Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang traffic management at deployment plan para sa Semana Santa 2025, na sisimulan na sa Abril 16.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, mahigit 2,500 field personnel at 468 assets ang ipakakalat sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila upang gabayan ang mga motorista at tiyakin ang maayos na daloy ng trapiko.
Magpapatupad ng “no day-off, no absent” policy ang MMDA sa mga field traffic personnel nito sa nasabing panahon.
Bukas din nang 24/7 ang MMDA Communications and Command Center para sa real-time monitoring. Sa Abril 18 hanggang 20, tututok naman ang mga tauhan ng ahensya sa mga kilalang Visita Iglesia sites gaya ng ruta pa-Antipolo at Grotto.
Pinayagan ding dumaan sa EDSA ang mga provincial bus mula Abril 16 hanggang 20 upang tugunan ang dagsa ng pasahero.
Suspendido ang number coding sa Abril 17 at 18, habang may mga isasagawang road reblocking mula Abril 16 ng gabi hanggang Abril 21 ng umaga.
Pinayuhan ng MMDA ang publiko na umiwas sa mga colorum na sasakyan at tumawag sa Metrobase Hotline 136 para sa anumang katanungan o saklolo sa kalsada. | ulat ni EJ Lazaro