Pinatitibay ng Office for Transportation Security (OTS) ang cybersecurity sa sektor ng transportasyon upang labanan ang banta ng terorismo at tiyakin ang kaligtasan ng publiko.
Sa inilabas na Cyber Security Alert Advisory ng OTS ngayong unang linggo ng Abril, binigyang gabay at babala nito ang mga stakeholder sa sektor ng transportasyon laban sa mga bagong banta sa cyberspace.
Bilang pangunahing tagapangasiwa ng seguridad sa mga sistema ng transportasyon, patuloy ang hakbang ng OTS para mapalakas ang proteksyon laban sa cyber threats. Kabilang sa mga inisyatibo nito ang aktibong pakikilahok sa isinasagawang Transportation Security Risk Assessment na layong matukoy ang mga kahinaan at paigtingin ang mga hakbang upang maprotektahan ang sensitibong datos at sistema.
Sa pagpapatibay ng cybersecurity framework, layunin ng OTS na mapanatiling ligtas ang mga biyahero at ang buong transport system mula sa banta sa mga sensitibong datos at iba pang uri ng cyber threats. | EJ Lazaro