Nahuli ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang barkong pa-Romblon sa Batangas Port dahil sa sobrang mga pasahero.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, iniutos na niya ang imbestigasyon at agad na pagpapataw ng parusa laban sa operator ng barko.
Sinabi Dizon na lumabag ang barko sa anti-overloading policy matapos magbenta ng mga tiket na lagpas sa pinahihintulutang kapasidad nito, dahil dito maraming pasahero ang na-stranded at hindi nakabiyahe patungo sa kanilang destinasyon.
Hindi naman pinangalanan ng kalihim ang shipping line sa ngayon, ngunit sinabi ni Dizon na pananagutin ang kumpanya sa abalang idinulot nito.
Ipinag-utos din ni Dizon ang shipping company na magbigay ng kompensasyon sa lahat ng naapektuhang pasahero. Kabilang dito ang refund ng pamasahe at iba pang kaukulang bayad para sa abala.
Tiniyak din ng DOTr na patuloy nilang paiigtingin ang pagbabantay sa mga pantalan para sa kaligtasan ng mga biyahero. | ulat ni Diane Lear