Ipinatupad na ngayong araw, April 2, 2025 ang dagdag-pasahe sa Light Rail Transit Line1 (LRT-1) na P5 hanggang P10.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), matagal na dapat ipinatupad ito para sa operational viability ng linya at para sa mga kinakailangang upgrade para sa mga pasahero.
Binigyang-diin din ng DOTr, na ang pagtaas ng singil ay hindi lamang para sa maintenance ng LRT-1 kung hindi pati na rin sa pagpapalawig ng linya hanggang Cavite sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) contract.
Nabatid na inaprubahan noong January 30, 2025 ang taas-pasahe na ikalawa pa lamang matapos ang unang pagtaas noong 2023. Mas mababa rin ito kaysa sa orihinal na mungkahing ₱20 na dagdag-singil ng Light Rail Manila Corporation (LRMC).
Sa ilalim ng bagong fare matrix, ang minimum na pamasahe na sa LRT-1 ay magiging P20 mula sa P15 para sa single journey tickets.
Habang ang end-to-end trip naman mula sa Fernando Poe Jr. Station sa Quezon City hanggang sa Dr. Santos Station sa Parañaque City ay magiging P52 mula sa P43 para sa stored value cards. | ulat ni Diane Lear