Dumipensa si House Assisrant Majority leader Jude Acidre sa pagliban ng ilan sa cabinet officials mula sa imbestigasyon ng Senado sa pag-aresto kay dating Pang. Rodrigo Duterte.
Aniya malinaw namang nasasaad sa Konstitusyon na maaari i-invoke ng ehekutibo ang executive privilege.
“Well, klarong-klaro po nasa… Konstitusyon ang pag-invoke po ng executive privilege. (Ito) ay isa po sa mga nasa sa loob po ng kapangyarihan ng Ehekutibo,” ani Acidre.
Sabi pa niya hindi naman ngayong administrasyong Marcos lang in-invoke ng ekehutibo ang naturang pribilehiyo
“Nirerespeto po natin ‘yan, hindi lang ho ngayong panahon ni Presidente Marcos ngunit sa mga nauna na hong presidente. Kahit dating Pangulong Duterte, nagkaroon na ng pagkakataon dati na pinigilan niya ang kanyang mga Gabinete, miyembro ng Gabinete at mga opisyales ng Ehekutibo na humarap sa Senado,” paglalahad pa niya.
Giit pa ni Acidre, gaya ng inter-parliamentary courtesy na ipinakita ng Kamara kay Sen. Ronald Dela Rosa sa pag-iimbestiga ng Quad Comm sa ipinatupad na war on drugs ng dating administrasyon, dapat ay igalang din ang exectuvie privilege na bahagi ng kapangyarihan ng ehekutibo.
“Siguro ang tanungin nalang ho natin sana ho hindi makalimot ang Senado na kahit sa House ho, ginalang din ho natin ang interparliamentary courtesy sa mga kasamahan po sa Senado na nasasangkot sana katulad po ni Senator Bato, sa kadahilanan ho ng war on drugs, siya po ang PNP Chief…Mahirap naman po na sila naman sa pagkakataon ngayon ang ibabalewala o ‘di kaya e mamasamain ang pag-invoke ng isang co-equal branch ng executive privilege,” saad niya.
May hirit din si Acidre kay Sen. Dela Rosa na nagpakita sa naturang pagdinig matapos ang ilang linggong pagtatago sa publiko matapos areatuhin si Duterte noong Marso.
Giit niya gaya ng paglitaw ng senador para sa hearing ng komite ay dapat maging visible din siya kapag hinahanap na siya para sa iba pangrason
“Sana ho maging consistent lang po tayo ‘pag hinanap na po siya sa ibang rason at ibang dahilan, sana madali lang ho din siya makita,” ani Acidre. | ulat ni Kathleen Forbes