Tuloy pa rin bukas ang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, na pinamumunuan ni Senadora Imee Marcos, tungkol sa naging pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kahit nagpabatid na ang Malacañang, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, na hindi na dadalo sa pagdinig ang mga miyembro ng gabinete.
Sa liham na ipinadala ni Bersamin kina Senadora Imee at Senate President Chiz Escudero nitong Marso 31, ipinaabot nito na hindi na dadalo ang mga Cabinet members sa pagdinig dahil natalakay na sa unang pagdinig ang mga paksang hindi sakop ng executive privilege at para na rin aniya hindi makaapekto sa apat na petisyong nakabinbin ngayon sa Korte Suprema kaugnay ng pagkakaaresto ni Duterte.
Pero sa tugon ni Senadora Imee kay Bersamin, hinihiling nitong irekonsidera ng Malacañang ang kanilang desisyon.
Para sa mambabatas, hindi sapat na justification ang mga ibinigay na dahilan ni Bersamin para hindi na dumalo ang mga miyembro ng gabinete.
Sinabi ng senadora na nais ng komite na mabigyan ng pagkakataon ang mga opisyal ng ehekutibo na mabigyang-linaw ang mga isyu at katanungan sa pagkakaaresto kay Duterte, lalo na aniya’t nakatanggap sila ng bagong impormasyon.
Iginiit rin ng mambabatas na may mga desisyon ang Korte Suprema na sumusuporta sa kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon bilang bahagi ng kanilang tungkulin, anuman ang mga kasong kasalukuyang pinoproseso.
Nakatakda bukas ng alas-10 ng umaga ang ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations tungkol sa usapin. | ulat ni Nimfa Asuncion