Aminado ang isa sa miyembro ng House prosecution panel na hamon sa kanila ang sabay na paghahanda para sa impeachment trial at pangangampanya.
Ayon kay Deputy Majority leader Lorenz Defensor, kailangan nilang hatiin ang kanilang oras sa paghahanda at pangangampanya hindi lang para sa kanilang sarili kung hindi para din sa kanilang local line-up.
Gayunpaman, isang magandang oportunidad din aniya ito dahil nakikita nila ang pulso ng kanilang mga constituent patungkol sa impeachment trial.
At karamihan aniya sa kanila, nais na masimulan ito at malaman kung mapapanagot nga ba ang may sala.
Positibo rin ang pagtingin ng mambabatas sa resulta ng survey na ikinasa ng Centre for Student Initiatives (CSI), kung saan 84.8% ng respondents ang naniniwala na dapat maalis sa pwesto si Vice President Sara Duterte.
Aniya, kung ganito ang resulta ng survey ibig sabihin ay alam ng taumbayan lalo na ng kabataan ang isyu.
“If 84% of the survey agrees na dapat managot ang vice president it only means that aware ang ating sambayanan, aware ang ating youth sector and it’s a good sign na dapat impose ang accountability dito sa isang impeachment process na ito…magandang sign ito for me.” Dagdag ni Defensor. | ulat ni Kathleen Forbes