Ipinahayag ni dating PTFoMS Executive Secretary Paul Gutierrez ang pagkadismaya sa naging hatol ng Regional Trial Court Branch 36 sa kasong pagpatay sa broadcaster na si Juan “Johnny Walker” Jumalon.
Noong Marso 31, idineklara ni Judge Michael Ajoc na walang sala ang tatlong akusado na sina Jolito Mangompit at magpinsang Reynante at Boboy Bongcawel, matapos mabigong mapatunayang sila ay may sala nang walang pag-aalinlangan.
Matatandaang binaril si Jumalon sa mismong loob ng kanyang radio booth habang nasa ere noong Nobyembre 5, 2023.
Nagpasalamat pa rin si Gutierrez sa mga ahensyang tumulong gaya ng PNP, AFP, DOJ, at iba pa sa pagsubok na makamit ang hustisya para kay Jumalon.
Umaasa rin ang dating opisyal na may hakbang pa ang gobyerno para maipagpatuloy ang laban sa karahasan at kawalang-katarungan, alinsunod sa panawagan ni Pangulong Marcos Jr.
Matatandaang si Gutierrez ang nanguna at sumubaybay sa kaso ni Jumalon noong ito ay nakaupo pa bilang pinuno ng PTFoMS. | ulat ni Lorenz Tanjoco