Magsusumite ng rekomendasyon ang National Prosecutors Service sa Department of Justice (DOJ) para mailipat ang kasong rape na kinakaharap ng isang negosyanteng Taiwanese sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), Olongapo City.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, hiniling ng Olongapo City Prosecutor’s Office na ilipat sa DOJ ang kaso dahil sa ilang mga problema.
Mismong si Olongapo City Prosecutor Charlie Yap ang nagdesisyon na ilipat ito lalo na’t may ilan ang nakikialam at kinukwestyon ang kaso ng Taiwanese businessman.
Paliwanag ni Fadullon, marami ang tumatawag at nagpapakilala sa kaniya hinggil sa kaso kung saan hindi naman nagpapakita ang mga ito kapag ipinatawag na sa Olongapo City Prosecutor’s Office.
Matatandaan na kinasuhan ng 3-counts of rape, child abuse, at corruption of minor sa Piskalya ng Olongapo ang negosyante pero kinuwestyon ito ng kaniyang kampo lalo na’t ang nanay ng menor-de-edad mula sa Bataan ay nagulat na nagamit ang kanilang pangalan.
Mismong ang ginang na ang nagsabing hindi siya ang nakapirma sa umano’y sinumpaang reklamo ng kanyang anak laban sa negosyante na matagal nang locator sa SBMA.
Dahil dito, malakas ang hinala ng kampo ng negosyante na gawa-gawa lamang ang reklamo at peke ang pagkatao ng mga nasa likod nito upang makapangikil kung saan maging ang ilang vlogger ay nakikialam na rin sa nasabing kaso. | ulat ni Lorenz Tanjoco