Muling dinepensahan ni Finance Secretary Ralph Recto ang desisyon ng pamahalaan na ipatupad ang atas ng Kongreso na ilipat ang sobra at hindi nagagamit na pondo ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) sa mga mahahalagang programa sa kalusugan at panlipunan.
Ito ang pahayag ng kalihim sa kanyang pagharap sa Supreme Court (SC) sa pagtalakay ng legalidad ng paglipat ng sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa National Treasury, upang suportahan ang unprogrammed funds ng General Appropriations Act (GAA) ng 2024.
Bagamat handa ang DOF sa magiging atas ng SC, sinabi ni Recto na magdudulot ito ng “fiscal pressure” na maaaring makaapekto sa target na pagbaba ng deficit ngayong taon, at sa posibilidad ng credit rating upgrade sa loob ng 18 buwan.
Ipinaliwanag ni Recto, na ang pagsasakatuparan ng polisiyang ito ay makatutulong sa mas mabilis na pagbangon ng bansa mula sa pandemya, at sa epekto ng geopolitical tension.
Ito na ang pang apat na beses na pagharap ni Recto sa Korte Suprema, upang ipaliwanag ang posisyon ng pamahalaan sa mga petisyong kumukuwestiyon sa paglilipat ng pondo ng PhilHealth. | ulat ni Melany Valdoz Reyes