Binigyang diin ni Senate President Chiz Escudero ang pangangailangan na inspeksyunin ang lahat ng mga pampubliko at pribadong imprastraktura sa bansa, para matiyak ang kanilang structural integrity.
Ito ay matapos ang naranasang malakas na lindol sa Myanmar at Thailand, na ayon sa senate president ay maraming pagkakatulad sa Pilipinas pagdating sa imprastraktura.
Ayon kay Escudero, dapat tiyakin na nagkakaroon ng regular na inspeksyon sa mga pampublikong imprastraktura at mga istraktura na pinatayo ng pribadong sektor, partikular ang mga opisina at residential buildings.
Kaugnay nito, pinunto ng senador na kasalukuyang may tatlong panukalang batas sa senado na nagsusulong na ma-repeal at i-update ang Presidential Decree 1092 o ang Building Code of the Philippines.
Inihain rin ni Escudero ang Senate Bill 289, na layong patatagin ang National Building Code sa pamamagitan ng pagmamandato sa mga building officials ng mga lokal na pamahalaan, na magsagawa ng komprehensibong inspeksyon ng lahat ng mga gusali sa buong Pilipinas.
Ipinapanukala rin dito, na magbigay ng certificates of inspection at clearance sa mga istraktura na susunod sa probisyon ng building code. | ulat ni Nimfa Asuncion