Sang-ayon si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na dapat maging handa ang pamahalaan sa posibleng pagsakop ng China sa Taiwan.
Giit ni Revilla, kung kailangang ma-repatriate o maibalik ng Pilipinas ang mga kababayan natin na nasa Taiwan ay dapat itong gawin.
Kailangan aniyang tiyakin ang kaligtasan ng bawat isang Pilipino na nandoon sa naturang bansa.
Samantala, pinuri naman ni Senador Sherwin Gatchalian ang proactive na posisyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paghahanda ng rescue operations para sa mga Pinoy sa Taiwan.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalagang magkaroon ng well-coordinated contingency plan ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW.
Dapat rin aniyang mayroon ng klaro at tiyak na protocol para sa evacuation, repatriation, at crisis management.
Kailangan aniyang tiyakin na bawat OFW ay magkakaroon ng mabilis na access sa mga mahahalagang serbisyo gaya ng temporary shelter, pagkain, tubig, serbisyong medikal, at transportasyon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion