Hindi lamang mga pantalan ang binabantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ngayong Holy Week, kundi maging ang mga nature tourist spot at mga lugar na pinagdarausan ng recreational activities.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni PCG Commander Michael Encina na nagsasagawa ng recreational service enforcement inspection ang kanilang hanay.
“Well, kasama po sa mandato ng Philippine Coast Guard ang — aside po sa pagka-conduct ng pre-departure inspection this coming Holy Week, is to also inspect iyon pong ating nature tourist spots, kasama na po iyong mga beach resorts natin at other areas po na ginagawan po ng recreational activity.” — Encina.
Kabilang sa tinututukan sa operasyong ito ay ang kahandaan ng mga establisyemento sa pagtugon sa emergency, pagkakaroon ng life guards, first aid kits, at clinics.
“Ang coastguard through our maritime safety services units and offices is conducting ito pong tinatawag nating recreational service enforcement inspection. So, ngayon po halos karamihan po ng ating mga major or iyon pong mga dinadagsa ng mga turista ay ini-inspect po ng ating mga coastguard inspector.” — Encina.
Sabi ng opisyal, mahigpit ding tinututukan ng PCG ang mga insidente ng pagkalunod, lalo’t maraming turista ang bibisita sa mga resort o dagat.
Habang pina-iigting din nila ang kanilang information dissemination, at pagpapalakas ng visibility ng kanilang hanay sa lugar, upang ipabatid sa publiko ang kanilang presensya, sakaling kailanganin ng pagkakataon.
“The PCG is also an agency which is mandated and authorized to issue itong pong mga certificates na ito, so, kasama po sa tsine-check namin iyong lifeguard. Aside po doon, is iyong availability po ng clinic and first aid personnel na agad-agarang magre-responde, once there is an incident, iyong drowning incidents na na-mention po natin, so isa po ito sa mga tsine-check ng PCG.” — Encina. | ulat ni Racquel Bayan