Hindi basta-basta mapatitigil ang pamamahagi ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP), sa kabila ng mga usapin kaugnay ng eleksyon at nalalapit na oral arguments sa Korte Suprema.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro, na maraming Pilipino ang umaasa sa naturang ayuda upang matustusan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan.
“Mahirap po kasing ihinto ang pagbibigay ng ayuda sa taumbayan. Umaasa rin po sila diyan, katulad nga po nito, sabi po sa survey ay di umanong tumataas ang hunger rate kahit marami na po tayong programa ng ayuda. Kaya sabi nga po natin, titingnan natin kung saan nanggagaling ito.” —Usec Castro
Dahil dito, hindi aniya agad-agad masususpinde ang distribusyon ng AKAP, lalo na’t maaaring umalma ang mga benepisyaryong matagal nang umaasa rito bilang pantawid sa pang araw-araw nilang pangangailangan.
“Hindi po ito mapapahinto agad-agad ng administrasyon at mas marami po sigurong mga kababayan natin ang mag-aalma lalo na kung nasanay na po silang kumuha ng ganitong ayuda para po ipantawid sa pang araw-araw nilang pangangailangan.” —Usec. Castro
Mababatid na nitong nakalipas na linggo, ilang grupo ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema na humihiling ng temporary restraining order (TRO) sa pagpapatupad ng AKAP dahil umano nagsisilbing congressional pork barrel.
Nito ring nakalipas na linggo, naglabas ang Commission on Elections (COMELEC) ng certificate of exemption sa spending ban ngayong eleksyon sa ilang programa ng DSWD, kabilang ang AKAP program. | ulat ni Racquel Bayan