Sang-ayon si Senador Sherwin Gatchalian sa panawagan ng Bureau of Immigration (BI) na magkaroon ng batas na magpapataw ng mas mahigpit na parusa sa mga dadaan sa ‘backdoor exits’ para makalabas ng Pilipinas.
Ayon kay Gatchalian, tama lang na maging top priority ang pagsugpo sa human trafficking at sa pagprotekta sa mga Pilipino mula sa exploitation ng mga kriminal na sindikato.
Giit ng senador, kailangan na ng ‘urgent legislative action’ sa isyu sa gitna ng tumataas na kaso ng mga Pilipino na nahihikayat sa mga scam hubs sa iba’t ibang bansa sa ASEAN region.
Kalakip ng lehislasyon ay dapat din aniyang maglaan ng resources para mapatatag ang border control ng Pilipinas at ang mga hakbang para mapigilan ang mga iligal na paglabas ng bansa.
Hinimok din ni Gatchalian ang BI na ipamalas ang kanilang ‘political will’ sa pagtugis sa mga iregularidad lalo na sa gitna ng mga ulat na ilang tauhan ng BI ang sangkot mismo sa backdoor exits ng ilang mga Pinoy. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion