Makakasama ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaniyang pamilya ngayong Semana Santa.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Communications Undersecretary Claire Castro, na babawi ng oras ang Pangulo sa kaniyang pamilya lalo’t palagi itong abala sa kaniyang kaliwa’t kanang mga aktibidad.
Gayunpaman, hanggang sa Miyerkules marami pa aniyang nakalinyang aktibidad at pakikipagpulong ang Pangulo.
Kaugnay nito, una na aniyang pinasisiguro ni Pangulong Marcos sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na mananatiling maayos at payapa ang sitwasyon sa buong bansa para sa Holy Week.
“Unang-una po, siyempre ang gusto po ng Pangulo natin at ang direktiba po niya ay bigyan po ang ating mga kababayan at hindi lamang po mga kababayan kung sinuman po ang bumibisita sa ating bansa nang isang safe at convenient travel; maliban po diyan ang mga naiiwan sa kanilang bahay at hindi naman po nagta-travel at nagbabakasyon ay mabigyan din po ng kanilang proteksiyon.” -Pangulong Marcos
Pinatitiyak rin aniya ng Pangulo, na maging ang mga Pilipinong pinili ang manatili sa kanilang tahanan ay mananatiling ligtas ngayong Semana Santa.
“Inaasahan po natin ang ating Secretary si DOTr Secretary Vince Dizon, naglilibot po siya upang malaman po ang mga nagbibiyahe kung may mga overloading at kung anu-ano pa ang maaaring maging problema ng mga vehicles, mga transportation na maaaring i-avail ng ating mga kababayaan.” -Usec. Castro | ulat ni Racquel Bayan