Kinondena ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman at majority leader Francis Tolentino ang mapanganib na aksyon ng Chinese Coast Guard vessel laban sa barko ng ating Philippine Coast Guard na BRP Cabra sa bahagi ng Panatag o Scarborough Shoal kahapon.
Giit ni Tolentino, ang aksyong ito ng China ay hindi lang naglagay sa panganib sa ating mga maritime personnel kundi isa rin itong lantarang paglabag sa international law at sa soberanya ng Pilipinas.
Aniya, ang Panatag Shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas, alinsunod sa 2016 Arbitral Ruling at sa Philippine Maritime Zones Las (RA12064).
Sa gitna nito, nanawagan si Tolentino sa international partners ng Pilipinas na oanagutin ang China sa lantaran nitong pagbalewala sa rule of law.
Dagdag pa ng senador, nakakabahala at dapat ring aksyunan ang presensya ng isang Chinese research ship malapit sa Batanes at Taiwan coast.
Kaugnay nito, suportado ni Tolentino ang pagsama sa Batanes sa papalapit na balikatan exercises.
Magpapabatid aniya ito ng mensaheng hindi nai-intimidate ang Pilipinas. |ulat ni Nimfa Asuncion