Naniniwala si Senador Joel Villanueva na ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang dapat na manguna sa pag-iimbestiga sa nangyaring kidnapping at pamamaslang sa negosyanteng si Anson Que.
Ayon kay Villanueva, bagamat welcome development ang pagbuo ng Department of Justice (DOJ) ng isang Anti-Kidnapping Task Force, tila mas tama aniyang ang PAOCC ang humawak ng kaso lalo na kung totoong may kaugnayan ito sa POGO.
Ipinunto ng senador na mayroon nang track record ang PAOCC sa pagpapabagsak ng major criminal syndicates.
Una naman nang itinanggi ng pamilya ni Que ang anumang kaugnayan sa POGO.
Pero giit ng senador, anuman aniya ang anggulong tinitingnan sa kasong ito ay nakakabahala na ang pagtaas ng kaso ng mga kidnapping, hindi lang para sa mga Filipino-Chinese community, kundi pati sa buong bansa.
Binigyangdiin ni Villanueva na dapat kumilos nang mabilis ang law enforcement agencies para maresolba ang kasong ito at ang iba pang mga nakabinbing kaso at mapanagot ang mga suspek.
Dapat na rin aniya itong magsilbing wake up call sa Philippine National Police (PNP) para paigtingin ang pagbabantay at gumawa ng mga aksyon para matiyak ang kaligtasan ng lahat sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion