Nakikiisa si Senador Sherwin Gatchalian kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pasasalamat sa desisyon ng United Arab Emirates (UAE) na bigyan ng pardon ang 115 na Pilipino.
Ayon kay Gatchalian, ang desisyong ito ay magbibigay-daan para sa ating mga kababayan na muling maibangon ang kanilang mga buhay at pamilya at makapag-ambag ng positibo sa komunidad.
Binigyang-diin ng senador na ang pagbibigay ng pardon ng UAE ay nagpapakita ng matatag na pagkakaibigan nito sa ating bansa.
Umaasa ang mambabatas na lalo rin nitong patitibayin ang partnership ng ating bansa sa UAE.
Kasunod nito, hinikayat rin ni Gatchalian ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Migrant Workers (DMW) na ibigay ang kinakailangang tulong sa ating mga kababayang nabigyan ng pardon upang makasama nilang muli ang kanilang mga pamilya at mabigyan ng mga oportunidad.
Paalala rin ng senador sa ating mga kababayan abroad na umiwas sa gulo upang hindi humantong sa anumang legal na aksyon. | ulat ni Nimfa Asuncion