Suspendido na ang pasok sa government offices sa Miyerkules Santo (April 16) pagdating ng alas-12:00 ng tanghali.
Habang pinapayagan naman ang work-from-home (WFH) setup para sa mga empleyado ng gobyerno simula 8:00 a.m. hanggang 12:00 nn ng Miyerkules.
Base sa Memorandum Circular No. 81 na inilabas ng Malacañang, nakasaad na ang hakbang na ito ay upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kawani ng gobyerno na makabiyahe o makauwi sa kani-kanilang mga probinsya para sa obserbasyon ng Huwebes at Biyernes Santo.
Samantala, magpapatuloy naman ang operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan na ang mandato ay may kinalaman sa health services, disaster preparedness, at iba pang kinakailangang serbisyo.
Ipinauubaya naman ng Palasyo sa pribadong sektor kung magpapatupad sila ng WFH arrangements o sususpindihin din ang pasok sa kanilang hanay. | ulat ni Racquel Bayan