Nananawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa publiko na huwag nang dumagdag sa mga kamote sa kalsada, o iyong mga motorista na hindi sumusunod sa batas trapiko.
“Tayong lahat ay kailangan sumunod sa Batas Trapiko, kailangan ang disiplina, para maging responsableng mga Pilipino sa lansangan. Huwag maging kamote. Masyado ng madami yan. Ang lisensya sa pagmamaneho, ay isang pribilehyo at hindi ito karapatan.” -Pangulong Marcos
Pahayag ito ng Pangulo, makaraang mag-viral ang magkakasunod na insidente ng road rage sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sabi ng Pangulo, tila nagiging normal na ang sigawan, bangayan, at sindakan sa mga kalsada, ang ibang insidente mayroon pang kasamang pagbabanta.
Ang nakakalungkot, mayroon pa aniyang nauwi sa barilan.
Sabi ng Pangulo, anong kultura na ba mayroon ang Pilipinas kung saan lahat ay tila matapang na at siga sa daan. Ano na daw ba ang nangyayari na tila, nagiging normal na ang komprontasyon sa kalsada.
Sa harap ng mga biyahe para sa Mahal na Araw, umaapela ang Pangulo sa mga Pilipino na maging maingat at sumunod sa batas.
Sabi ng Pangulo, batid niya na nakakainit talaga ng ulo ang traffic at sasabayan pa ng mga hindi sumusunod sa batas.
Gayunpaman, pairalin pa rin aniya ang pang-unawa, pagiging disiplinado at maingat na pananalita. Magtimpi at piliin ang kapayapaan lalo’t sa huli, ilang segundo lamang naman ang mawawala kung pagbibibigyan at hindi na papatulan ang mga kamoteng motorista.
“Pasensya na lang, palampasin nyo na lang. Ano naman ang mawawala sa atin 1 second, 5 seconds, 20 seconds. Pagbigyan na natin (2:26) at huwag na natin patulan.” -Pangulong Marcos | ulat ni Racquel Bayan