Isinagawa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang radio challenge laban sa barko ng China Coast Guard (CCG) na ilegal na nagpapatrolya sa loob ng karagatang sakop ng Zambales.
Ayon sa ulat, namataan ang CCG-3302 sa layong 83 hanggang 85 nautical miles mula sa baybayin ng Palauig, Zambales — na sakop ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Agad naman itong hinarap ng BRP Cabra, upang igiit ang karapatan ng bansa sa naturang bahagi ng West Philippine Sea. Sa pamamagitan ng radio challenge, binigyang-diin ng PCG na labag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at 2016 Arbitral Award ang presensya ng naturang barko ng China.
Patuloy namang naninindigan ang PCG sa pagbabantay at pagpigil sa normalisasyon ng ilegal na aktibidad ng China sa ating karagatan bilang bahagi ng kanilang mandato na magpatrolya sa EEZ ng bansa na sang-ayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iwasan ang eskalasyon at probokasyon. | ulat ni EJ Lazaro