Pinangunahan ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Giovanni Carlo Bacordo at United Kingdom Trade Commissioner for Asia Pacific Martin Kent ang isang pagpupulong upang pag-usapan ang posibleng pagtutulungan sa lumalagong offshore wind (OSW) industry ng Pilipinas.
Sa isinagawang high-level meeting na dinaluhan din ng mga kinatawan mula sa PPP Center at Philippine Ports Authority, tinalakay ang repurposing ng mga daungan upang suportahan ang OSW sector. Ayon kay Commissioner Kent, buo ang suporta ng UK sa energy transition ng bansa, na kapwa layong mag-decarbonize sa pamamagitan ng offshore wind development.
Ipinahayag naman ni Undersecretary Bacordo ang matibay na hangarin ng Pilipinas na makipag-ugnayan sa mga bansang may malawak na karanasan sa OSW, gaya ng UK, upang mapabilis ang pag-abot sa national climate goals.
Bahagi ang OSW ng Philippine Energy Plan 2023-2050 na naglalayong makamit ang 35% renewable energy share pagsapit ng 2030 at 50% pagdating ng 2050.
Sa pamamagitan ng matatag na pandaigdigang kooperasyon tulad nito, ayon sa DOE, patuloy na tinatahak ng Pilipinas ang landas tungo sa isang malinis at mas matatag na sektor ng enerhiya. | ulat ni EJ Lazaro