Naglabas ng babala ang Philippine Embassy sa Vietnam kaugnay ng pagsusumite ng mga sira o pekeng apostilled documents para sa authentication.
Ayon sa Embahada, hindi nito tatanggapin ang mga sirang, napunit, o hiwa-hiwalay na apostilled documents sa authentication process.
Binigyang-diin ng Embahada na dapat ingatan ng mga Pilipino ang kanilang mga apostilled documents upang mapanatili ang integridad ng mga ito, lalo na kapag nagpapaphotocopy.
Nilinaw rin na bahagi ito ng kanilang hakbang upang tiyakin ang kaligtasan at pagiging lehitimo ng mga dokumentong isinusumite.
Muli ring iginiit ng Embahada ang kanilang zero-tolerance policy laban sa pekeng o tinamper na dokumento.
Ayon sa Embahada, ang sinumang mahuhuling magsusumite ng peke o hindi wastong apostilled documents ay isasailalim sa imbestigasyon, ilalagay sa Look-Out List, at hindi papayagang makapagproseso ng anumang authentication hanggang matapos ang kaukulang pagsusuri.
Ang apostilled documents ay mahalagang requirement sa iba’t ibang legal na transaksyon sa ibang bansa gaya ng employment, visa application, kasal, at pag-aaral. | ulat ni EJ Lazaro