Ipinagmalaki ng Office of Civil Defense (OCD) na naging matagumpay ang misyon ng ipinadalang contingent ng Pilipinas sa Myanmar.
Ito’y kasunod ng kanilang pagtulong sa Search, Rescue and Retrieval operations gayundin ang paghahatid ng serbisyong medikal sa mga naapektuhan ng Magnitude 7.7 na lindol doon.

Sakay ng C-130 plane, balik-bansa na ang nasa 89 miyembro ng contingent sa pangunguna ng OCD, Department of Health, Department of Environment and Natural Resources, Armed Forces of the Philippines, Metropolitan Manila Development Authority, Bureau of Fire Protection, at pribadong sektor.
Dumating ngayong umaga ang Philippine Contingent sa Villamor Airbase sa Pasay City kung saan, sinalubong sila ni OCD Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno at iba pang opisyal.
Bago umalis ng Myanmar, nagpaabot ng pasasalamat ang pinuno ng contingent na si Lieutenatn Erwen Diploma sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kanila nila Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. | ulat ni Jaymark Dagala