Naglabas ng panibagong paalala ang Philippine Red Cross (PRC) kasunod ng muling pagputok ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay PRC Chairman Richard Gordon, dapat sundin ang 4Ps o Predict, Plan, Prepare, Practice para manatiling ligtas sa panahon ng kalamidad.
Ipinapaalala rin ng PRC na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya para sa maayos na evacuation plan, alamin ang mga ligtas na lugar, at ihanda ang emergency go-bag na may lamang pagkain, tubig, gamot, N95 mask, goggles, at flashlight.
Hinikayat din ang publiko na tumutok sa opisyal na anunsyo ng PHIVOLCS at lokal na pamahalaan upang makakuha ng tamang impormasyon.
Tiniyak naman ng PRC na patuloy ang koordinasyon nito sa mga local disaster risk reduction councils at nakahanda silang rumesponde kung kinakailangan. | ulat ni Diane Lear