Nagpadala ang Philippine Red Cross (PRC) ng water tanker at WASH Team sa mga residente ng Brgy. Ara-al, La Carlota City, Negros Occidental upang maghatid ng malinis na tubig.
Ito ay matapos ang pagputok ng Bulkang Kanlaon kaninang umaga.
Pinangunahan ng PRC Negros Occidental – Bacolod City Chapter, katuwang ang La Carlota City Branch ang pamamahagi ng tubig at nagbigay rin ng face masks upang maprotektahan ang mga residente mula sa panganib ng ashfall na bumalot sa mga kalsada sa lugar.
Nabatid na nagbigay rin ang PRC ng malinis na tubig, medical supplies, at iba pang mga serbisyo mula pa noong unang pagputok ng bulkan noong Disyembre ng nakaraang taon.
Tiniyak ng PRC na patuloy sila sa kanilang pagtugon sa mga apektadong lugar at makikipagtulungan pa sa mga lokal na awtoridad upang mapabilis ang paghahatid ng tulong. | ulat ni Diane Lear