Nagpahayag ng suporta si dating DILG Secretary at Alyansa senatorial candidate Benhur Abalos sa plano ng Department of Transportation (DOTr) na maglagay ng cable car sa Rizal.
Sa isang pulong-balitaan sa Antipolo, natanong ang mga pambato ng administrasyon sa Senado kung ano ang nakikita nilang solusyon sa problema sa trapiko at transportasyon sa lalawigan.
Ayon kay Abalos, unang kailangang ayusin ang imprastraktura na magkokonekta sa mga bayan.
Inihalimbawa niya ang tatlong tulay na magkokonekta sa Rizal at Marikina na kaniyang pinatutukan noong siya ay kalihim ng DILG.
“Naalala ko noong bago ako mag-resign as DILG, inayos namin ’tong tatlong tulay sa Marikina na magkokonekta sa Rizal. Sayang kasi—I think ilang buwan na lang, magla-lapse na. Two weeks na lang, magla-lapse na. Kaya pinuntahan ko noon si Mayor Marcy Teodoro, kasi malaki… importante ang connectivity dito,” saad ni Abalos.
Maaari rin aniyang ikonsidera ang pagbuhay sa lumang ruta ng tren para sa mass transportation.
Pagbabahagi niya, may lumang riles sa bahagi ng Hinulugang Taktak na maaaring gamitin.
At ang pinakahuli ay ang cable car na balak ipatayo ng DOTr.
Maganda aniya itong ituloy lalo na’t bundok at liko-liko o zigzag ang mga kalsada.
Nakita rin umano niya na epektibo ang cable car sa ibang mga bansa.
“Kung hindi ako nagkakamali, there’s this project by DOTr na magkakaroon ng cable car kasi maganda ito—because bundok ito, zigzag—so I think it’s very practical na gawin ito.
And it has been proven na ito’y very effective in other countries. I will support that project,” saad niya.
Hulyo 2024 nang ilahad ng DOTr ang plano sa pagkakaroon ng unang cable car system sa bansa, na mag-uugnay sa Taytay at Antipolo. | ulat ni Kathleen Forbes