Nagpahayag ng suporta ang isa sa lider ng Kamara sa planong pagbili ng Pilipinas ng 20 bagong F-16 fighter jets sa Estados Unidos.
Ayon kay House Assistant Majority Leader Jude Acidre, mahalagang bahagi ito ng modernisasyon na magpapalakas sa pambansang depensa.
“Definitely. Sa tagal na ng modernization plan hindi na bago ito at suportado po natin ang anomang hakbang na ginagawa ng ating Sandatahang Lakas, ng ating pamahalaan, at ng administrasyon na palakasin ang ating defense capability,” ani Acidre.
Giit ni Acidre hindi lang sa seguridad may impact ang pagpapalakas ng kakayahan ng AFP dahil maging sa ating ekonomiya ay may epekto ito.
Masisiguro kasi aniya na kung ano mang pagbabanta ay kaya nating tumindig at mayroon tayong matatag na defense capability.
Kamakailan ay inaprubahan ng U.S. State Department ang pagbebenta ng 20 F-16 fighter jets sa Pilipinas, na tinatayang nagkakahalaga na $5.58 bilyon.
Bagay na nakaayon sa layunin ng Pilipinas na i-modernize ang air force kasabay ng pagpapalakas ng koordinasyon nito sa mga kaalyadong bansa.
Binigyang-diin ni Acidre ang kahalagahan ng pagbili ng mga makabagong kagamitan upang maproteksyunan ang teritoryo at kaligtasan ng mga Pilipino gayundin ay maagap na makaresponde sa disaster response. | ulat ni Kathleen Forbes