Magtatalaga na ng mga tauhan mula sa Highway Patrol Group ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang checkpoint ng pulisya sa buong bansa.
Ito ay upang lalo pang palakasin ang seguridad at pagbabantay sa mga border control, lalo na ngayong panahon ng halalan.
Ayon kay PNP Chief PGen Rommel Francisco Marbil, karaniwang mga ordinaryong pulis lamang ang nakatalaga sa mga checkpoint at wala silang temporary operator’s permit mula sa LTO.
Ginawa ni Marbil ang pahayag matapos maharang ng mga humabol na pulis ng Antipolo ang suspek sa nag-viral na insidente ng road rage dahil sa Comelec checkpoint.
Binigyang-diin ni Marbil na plain view doctrine ang ipinapatupad sa mga checkpoint para sa mga four-wheel vehicle, kaya nagiging mahirap matukoy kung may dalang baril ang mga ito.
Dahil dito, sisimulan na umano ng PNP ang pagpapakalat ng HPG para magbantay sa mga checkpoint sa lalong madaling panahon. | ulat ni Diane Lear