Magpapadala ng mga tauhan ang Philippine National Police (PNP) sa Malaysia upang sunduin si Alan Dennis Lim Sytin, ang umano’y pangunahing suspek sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Dominic Sytin noong 2018.
Ayon kay PNP Spokesperson at Police Regional Office (PRO) 3 Director Police Brigadier General Jean Fajardo, inaasahang lilipad sa Malaysia ang team mula sa PRO 3 sa Huwebes o Biyernes.
Kasalukuyan na rin inaayos ang koordinasyon sa Office of the Police Attaché sa Malaysia para sa agarang pagpapauwi kay Sytin.
Nabatid na naaresto si Sytin sa Petaling Jaya, Selangor, Malaysia noong March 22 kasabay ng pagkakahuli sa umano’y kasabwat niya na si Edrian Rementilla sa Iligan City.
Sa oras na maiproseso ang kaniyang repatriation, dadalhin muna si Sytin sa Camp Olivas sa San Fernando, Pampanga habang hinihintay ang commitment order mula sa Manila Regional Trial Court Branch 7 na nag-issue ng kaniyang arrest warrant. | ulat ni Diane Lear