Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi tigitigil ang gobyerno sa paggawa ng mga hakbang upang tuldukan o mapababa ang antas ng kagutuman at kahirapan sa bansa.
Sa pamamagitan ito ng whole of government at whole of society approach.
“We adapt the whole-of-government approach, the whole-of-society approach, sapagkat hindi lamang po gobyerno ang may responsibilidad sa pagtugon sa problema ng kagutuman at kahirapan. Kasama po natin ang pribadong sektor,” —Asec Dumlao.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, mayroong mga interventions na ginagawa ang gobyerno upang tugunan ang kagutuman at kahirapan sa bansa.
Ang pahayag na ito ng opisyal ay kasunod ng SWS Survey, kung saan lumabas na nasa 35.6% ang hunger level sa bansa, sa buwan ng Marso.
Sa press briefing sa Malacañan, sinabi ni Dumlao na maraming factors ang nakakaapekto sa bilang ng mga nagugutom o nananatiling mahirap sa bansa.
Kabilang dito ang pagtama ng mga bagyo o sakuna na nakakaapekto sa well-being at kabuhayan ng mga Pilipino.
Nariyan rin aniya ang usapin ng inflation.
Sabi ni Asec Dumlao, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba na ang insidente ng kahirapan at kagutumunan bunsod sa mga ipinatutupad na mga programa.
Gayunpaman target aniya ng pamahalaan na palawakin pa ang Walang Gutom kitchen, at 4Ps, partikular sa Visayas at Mindanao, upang mas maraming Pilipinong nangangailangan ang maabot nito.
“We’re looking at expanding the implementation of this program. Tinitingnan din natin na magkaroon din tayo ng Walang Gutom Kitchen sa parte ng Visayas at Mindanao and sa northern area po ng Maynila,” —Asec Dumlao. | ulat ni Racquel Bayan