Welcome kay Senador Sherwin Gatchalian ang ipinataw na price cap ng Department of Agriculture (DA) sa bigas.
Ayon kay Gatchalian, ang ₱45 per kilo na maximum suggested retail price ay magreresulta sa malaking savings para sa maraming mga Pilipino.
Malaking ginhawa rin aniya ang hatid nito sa mga konsumer na nahaharap sa mataas na presyo ng mga bilihin.
Kasabay nito ay hinikayat ng senador ang DA na magpatupad ng mahigpit na monitoring protocol para matiyak na naipatutupad talaga ang price cap sa lahat ng mga retail outlets.
Binigyang-diin ni Gatchalian na magiging kapaki-pakinabang lang ang price cap kung malawak ang magiging implementasyon nito at maraming mga Pilipino ang makakabili ng mas murang bigas.
Umaasa ang mambabatas na magpapatuloy ang mas agresibong hakbang ng gobyerno para mapababa din ang presyo ng iba pang mga pangunahing bilihin sa bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion