Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez na ayusin at palakasin pa ang price monitoring system ng Department of Agriculture.
Giit niya, mahalaga ito para tunay na makuha ang totoong presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan.
Isa sa inihalimbawa niya ay ang presyo ng itlog na large ang size.
Batay kasi sa Bantay Presyo ng DA nasa P8 hanggang P9 ang kada piraso nito, pero sa mga wet market ay nasa P9 hanggang P11 at pag sa supermarket ay pumapalo pa ng P12.
“May price monitoring mechanisms ang ating mga ahensiya pero dapat siguruhin nating nakikita sa pamilihan ang nakasaad na presyo sa monitoring na ito. Sa ngayon kasi, mukhang hindi akma ang estimate sa price monitoring sa tunay na presyo sa mga pamilihan.
Aniya ginagawa naman ng DA ang kanilang makakaya sa pagbabantay ng presyo, ngunit mas mainam na dagdagan pa ang mekanismo sa pag-monitor.
Hirit pa niya na magkaroon ng iisang at synchronize na monitoring system ang DA, kasama ang DTI.
Aminado rin ang House leader na hindi lang ito sa itlog nangyayari.
Kaya mahalaga aniya na tugunan ito para sa taumbayan.
“Alam natin na hindi lang itlog ang apektado. Ang presyo ng karne at poultry ay patuloy na tumataas dahil sa mga isyung tulad ng African swine fever, kakulangan sa storage facilities, at init ng summer. Hindi ito maaaring balewalain. Hindi natin puwedeng palipasin pa ang Mahal na Araw bago natin solusyunan ang mga problemang ito. Kailangan agad nating gumawa ng hakbang para sa ating mga mamamayan,” diin niya.
Muli namang tiniyak ni Romualdez ang commitment ng Kongreso salig sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan para mapahusay pa ang pagbabantay sa presyuhan at mapanatiling matatag ang ekonomiya ng bansa. | ulat ni Kathleen Forbes