Magiging available na ang mas abot-kayang karne ng baboy sa mga mamimili sa pakikipagtulungan ng Food Terminals Inc. (FTI), sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), sa Charoen Pokphand Foods PLC (CP Foods) mula Thailand.
Kasunod ito ng paglagda sa isang kasunduan nina FTI President Joseph Lo at CP Foods Chief Operating Officer Nattakorn Sujipittham na layong patatagin ang presyo at gayundin ang suplay ng karne ng baboy sa Metro Manila.
Sa ilalim ng kasunduan, magsusuplay ang CP Foods ng 100 buhay na baboy kada araw sa mas mababang presyo.
Ang mga baboy ay direktang ibabagsak sa isang slaughterhouse sa Caloocan, kung saan ang mga distributor at biyahero ay makakakuha ng live hogs nang hindi na kailangang mag-transport mula sa iba’t ibang farm.
Ang mga makakatay naman ay ibabahagi sa iba’t ibang pamilihan.
Ayon kay FTI President Joseph Lo, kung magtagumpay ang programang ito, palalawakin ito sa iba pang hog raisers para matiyak na mananatiling abot-kaya ang baboy sa merkado nang hindi nagdudulot ng labis na epekto sa industriya.
Ayon sa DA, ang pagsasanib-pwersa ng FTI at CP Foods ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng gobyerno upang patatagin ang food security alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang sektor ng agrikultura. | ulat ni Merry Ann Bastasa