Nagpahayag ng suporta ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pinaigting na inisyatibo para matiyak ang kaligtasan ng mga kasapi ng media lalo ngayong paparating na 2025 midterm elections.
Ibinahagi ito ni DILG Undersecretary Rolando Puno sa pagdalo nito sa reactivation ng Philippine National Police (PNP) Media Security Vanguards.
Ayon kay Usec. Puno, kinikilala ng Media Security Vanguards ang mahalagang papel ng mga mamamahayag tumutulong sa publiko na makagawa ng matalinong desisyon sa pamamagitan ng pagsuri ng katotohanan, paghubog ng opinyon ng publiko, at pananagot sa mga pulitiko at kandidato.
Punto nito, mahalaga na ipagpatuloy ng pamahalaan ang pagpapalawak ng kaalaman hinggil sa seguridad at mga safety protocol para sa media.
Sa ilalim ng Media Security Vanguard, ang PNP-Public Information Office ay magdedeploy ng police personnel na makikipagtulungan sa PTFoMS Special Agents para mapabilis ang imbestigasyon sa mga kaso ng pagbabanta o karahasan laban sa media professionals. | ulat ni Merry Ann Bastasa