Minumungkahi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa pamahalaan na gawing bahagi ng balikatan exercises ang rehearsal ng magiging evacuation o paglilikas sa mga kababayan nating nasa Taiwan.
Ito ay kung matutuloy ang posibilidad ng pagsakop ng China sa Taiwan.
Sa pulong balitaan ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas senatorial candidates sa Antipolo, sinabi ng re-electionist senator na dapat nang paghandaan ng Philippine Navy ang pagligtas sa ating mga kababayan doon.
Bukod pa sa mga Philippine Navy, minungkahi rin ni Tolentino na tumulong rin ang mga commercial at civilian vessels sa repatriation ng ating mga kababayan.
Sang-ayon rin si dating Senador Ping Lacson sa panawagan ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner na maghanda na ang mga sundalo sa pag-eevacuate ng mga Pinoy sa Taiwan.
Giit ni Lacson, sino pa bang magpapatupad ng evacuation plan kundi ang mga ahensya o organisasyon ng pamahalaan na may kakayahan at kapabilidad dito, gaya ng AFP.
Malinaw rin aniya para kay Congressman Erwin Tulfo na ang naging pahayag ni Brawner ay para sa posibilidad ng paglikas ng mga OFW at hindi para makisali ang Pilipinas sa giyerang posibleng sumiklab sa pagitan ng China at Taiwan.
Pagbibigay diin ni Tulfo, dapat lang na maging alerto ang gobyerno dahil higit 250,000 na mga OFW ang nasa Taiwan. | ulat ni Nimfa Asuncion