Siniguro ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chair at Tingog party-list Representative Jude Acidre na nakikipagtulungan din ang kanilang komite sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga kababayan nating overseas Filipino worker (OFW) na apektado ng malakas na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand.
Aniya, ang proteksyon ng ating mga bagong bayani ay nananatiling pangunahing prayoridad at naka-monitor aniya sila sa sitwasyon.
Nakahanda rin aniya ang Tingog Party-list na magpaabot ng tulong at iba pang support service gaya ng paglilikas kung kinakailangan.
Paghimok naman ng mambabatas sa mga OFW sa naturang mga bansa na nangangailangan ng tulong, na agad dumulog sa pinakamalapit na Philippine Embassy o POLO office.
Kasabay nito ay ipinaabot din ng kinatawan ang pakikiisa sa mga residente ng Myanmar at Thailand kasabay ng panalangin para sa kanilang agarang pagbangon mula sa kalamidad. | ulat ni Kathleen Forbes