Isusulong ng mga senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ang rebyu at pag-amyenda sa National Building Code ng Pilipinas kasunod ng nakitang pinsalang dulot ng malakas na lindol sa Myanmar at Thailand.
Sa pulong balitaan sa Antipolo, binahagi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na nakapaghain na siya ng panukalang batas tungkol dito.
Giit ni Tolentino, dapat lang na iprayoridad ang pag-amyenda ng building code, lalo’t marami nang mga pagbabago sa teknolohiya na dapat ring i-akma sa building code.
Sang-ayon rin si dating Senador Ping Lacson na rebyuhin ang National Building Code.
Minumungkahi rin ni Lacson na isama ang national hazard mapping sa building code.
Para aniya ang mga imprastraktura sa mga lugar na malapit sa storm surge, lindol, at pagputok ng bulkan ay hindi magkaroon ng grabeng pinsala.
Ito rin ay para aniya magkaroon ang bansa ng standards sa pagpapatayo ng building, gaya ng kung ilang palapag ang pwedeng payagan. | ulat ni Nimfa Asuncion