Pinamamadali ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapa-deport ng mga dayuhang naaresto sa operasyon ng mga illegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Sa ngayon kasi ay punong-puno na ang detention area ng Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) kung saan ang ilan ay nagkakasakit na.
Para kay Gatchalian, hindi na makatao ang sitwasyon sa mga detention facility kaya naman dapat nang bilisan ang pagpapa-deport sa mga nahuling dayuhan.
Pero muling binigyang diin ng senador, na sa pagpapa-deport sa kanila ay dapat tiyaking diretso sa pinagmulang bansa ng mga ito mapupunta ang mga nahuling dayuhan, at wala nang magiging layover o stop over sa mga flight.
Hinikayat rin ni Gatchalian ang Department of Justice (DOJ), na tutukan ang nakuha nilang impormasyon tungkol sa mga modus para hindi makaalis ng Pilipinas ang mga nahuhuling dayuhan.
Kabilang sa modus ang makikipagsabwatan sa ibang abugado para kasuhan ang POGO detainees, saka maghahain ng piyansa para makalaya sila. | ulat ni Nimfa Asuncion