Pabor si reelectionist Senator at Senate Majority Leader Francis Tolentino sa reorganisasyon ng naval forces ng Pilipinas upang palakasin ang depensa ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Tolentino, na chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones, ang pagpapalakas ng Western Philippine Sea Order of Battle ay nagpapakita ng pagiging dynamic ng ating Sandatahang Lakas at ng kanilang kahandaan na gampanan ang tungkulin na protektahan ang teritoryo at soberanya ng Pilipinas.
Una nang pinapanukala ng senador ang pagbuo ng West Philippine Sea Command sa pamamagitan ng pagsasanib ng Western Command at Northern Luzon Command ng AFP.
Aniya, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Philippine Maritime Zones Law, kailangang bumuo ng bagong command na tututok sa maritime security at pagpapabuti ng kakayahan ng bansa na rumesponde sa WPS.
Inaasahan rin ni Tolentino na sa pamamagitan nito ay mas magiging mahusay ang koordinasyon sa pagitan ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police Maritime Group. | ulat ni Nimfa Asuncion