Pinatitiyak ni Senate President Chiz Escudero sa Embahada ng Pilipinas sa Estados Unidos na mabibigyan ng tulong legal ang mga Pilipinong nakaditine ngayon doon, dahil sa isyu sa kanilang immigration status.
Ikinababahala kasi ni Escudero ang ulat na nasa 20 Pinoy ang inaresto ng mga otoridad ng Amerika sa gitna ng crackdown ng Trump Administration sa mga illegal immigrant sa kanilang bansa.
Dapat aniyang tiyakin ng ating gobyerno na walang illegal detention na nangyayari, at kailangan ring naa-update ang pamilya ng mga nahuling Pinoy tungkol sa kanilang kalagayan.
Nanawagan rin ang senate president sa embahada at lahat ng konsulado ng Pilipinas sa US, na regular na tingnan at alamin ang estado ng mga kababayan natin doon at siguruhin na napoprotektahan ang kanilang karapatan at natratrato sila ng patas.
Kasabay nito ay umapela rin si Escudero sa lahat ng mga Pilipinong nasa Estados Unidos pero walang maayos na dokumento at sa mga naghihintay pa ng green card, na makipag-ugnayan sa mga immigration lawyer kung kinakailangan para maiwasan ang aresto o detention.
Kailangan aniyang sundin ng mga Pilipino sa Amerika ang batas ng naturang bansa at kusa nang lumapit sa ating embahada at konsulado, para malaman nila kung ano ang mga hakbang na pwede nilang gawin para maresolba ang kanilang sitwasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion