Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na nananatili ngayong matatag ang suplay ng isda sa bansa.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, kahit ngayong papasok na ang Semana Santa ay sapat ang suplay ng isda gaya ng galunggong.
Kung magkakaroon naman aniya ng pagtaas sa presyo ay posibleng dulot ito ng pagtaas din ng demand dahil sa mga consumer na iiwas sa pagkain ng karne.
Makakaasa naman aniya ang publiko na babantayan ng DA ang presyuhan ng isda nang masiguro na hindi lolobo ng malaki ang bentahan nito.
Batay sa DA Bantay Presyo, umaabot sa ₱200-₱340 ang bentahan sa kada kilo ng galunggong; ₱120-₱180 ang kada kilo ng tilapia, habang ₱150-₱250 ang kada kilo ng bangus. | ulat ni Merry Ann Bastasa