Siniguro ni Speaker Martin Romualdez ang kaniyang suporta para sa mga modern jeep na gawang Pinoy.
Kasunod ito ng ginawang showcase ng modern jeep sa Kamara nitong Sabado.
Kasama ni Romualdez sa pag-inspeksyon ang mga opisyal ng Francisco Motors na sina Elmer Francisco, chairman; at Dominic Francisco, president at CEO; pati na rin ang mga lider ng transport groups.
Giit ni Romualdez, hihimukin niya ang mga kongresista na suportahan ang mga modernong tradisyunal at electric jeep na gawa dito mismo sa Pilipinas.
Sabi pa niya, ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon ay hindi lang para sa mga mananakay, ngunit para din sa kalikasan.
“Modernization isn’t just about new vehicles—it’s about improving the daily lives of drivers and passengers. These jeepneys are safer, more efficient, and better for the environment.
The jeepney has long been a symbol of Filipino ingenuity. As we modernize, we must preserve its cultural value while making it more responsive to today’s needs,” punto niya.
Naniniwala ang House Chief na ang modernisasyon ay makakatulong din sa ekonomiya ng bansa, dahil sa potensyal na trabahong malilikha.
Ayon kay Elmer Francisco, tinatayang kakailanganin ng 250,000 units ng bagong public utility vehicles sa ilalim ng Jeepney Modernization Program.
Nangako naman ang House leader na titiyakin ang sapat na pondo para sa jeepney modernization program, gayundin ang suporta para sa mga tsuper at operator na maaapektuhan nito.
“Supporting local businesses is key to building a strong economy. When we invest in Filipino-made products, we invest in our people,” ani Speaker Romualdez.
Hirit ni Francisco, makakatulong aniya na mapababa pa ang presyo ng Pinoy-made modern jeep kung mabibigyan ng duty-free importation sa raw materials at capital equipment, at zero-rated VAT para sa locally-purchased at imported raw materials.
“As Speaker, I am committed to securing more funding to help modernize our transport system while protecting livelihoods and the environment,” diin ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Forbes