Ikinandado ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Lelo Cacdac ang isang travel agency na iligal na nagre-recruit ng mga Pilipino upang magtrabaho sa Bulgaria.
Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga Overseas Filipino Worker (OFWs) laban sa mga illegal recruiter at sindikato.
Partikular na isinara ng DMW ang Yatra Travel & Tours na matatagpuan sa New Barrio Pampanga sa San Fernando City, lalawigan ng Pampanga na nag-aalok umano ng trabaho sa Bulgaria kapalit ng ₱90,000 hanggang ₱110,000 suweldo kada buwan.

Subalit kailangan munang magbigay ang mga aplikante ng ₱400,000 hanggang ₱500,000 bilang processing fee at ₱50,000 downpayment at kailangang buoin ang nalalabing bayarin kapag nakumpleto na umano ang mga dokumento.
Ayon kay Cacdac, inilagay na rin nila sa blacklist ang pangalan ng mga opisyal ng Yatra Travel kaya’t hindi na sila maaari pang makisali sa anumang recruitment activities.
Ito na ang ika-9 na establisyemento na isinara ng DMW ngayong taon at asahan na masusundan pa ito. | ulat ni Jaymark Dagala

