Inanunsyo ng Philippine Embassy sa Yangon ang pagpapatupad ng Earthquake Assistance Programs para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) na nangangailangan ng tulong matapos ang malakas na lindol na tumama sa Myanmar.
Kabilang sa mga serbisyong handog ng embahada ang repatriation gamit ang C130 aircraft ng pamahalaan sa darating na Abril 12, habang puno pa ang mga commercial flights doon.
Tiniyak din ng embahada na maaaring bumalik sa Myanmar ang mga repatriated workers basta’t may kumpletong dokumento tulad ng visa at OEC.
Bukod dito, may transportation assistance patungong Yangon para sa mga kailangang ilikas, temporary accommodation na hanggang 14 na araw na maaaring i-extend depende sa umiiral na sitwasyon, at pinansyal na ayuda para sa mga kwalipikadong OFW. May libreng trauma counseling din para sa mga nangangailangan nating kababayan.
Samantala, patuloy ang Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) sa pagsasagawa ng mahalagang gampanin nito sa search, rescue, at medical operations sa Myanmar, mahigit isang linggo matapos tumama ang mapaminsalang 7.7-magnitude na lindol kung saan, ayon sa mga ulat, ay nagresulta na sa higit 3,000 nasawi, libo-libong sugatan, at daan-daang nawawala hanggang sa kasalukuyan. | ulat ni EJ Lazaro