Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development’s (DSWD) ang mga nais magpadala ng tulong sa mga apektado ng pagputok ng Bulkang Kanlaon na idirekta ito sa pamamagitan ng Kaagapay Donations Portal ng ahensya.
Ayon sa DSWD, ito ay ang mas pinadali at transparent na paraan ng pagpapadala ng donasyon lalo na tuwing may mga sakuna.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Marie Rafael, sa tulong ng Kaagapay Portal, hindi na kailangan pang magtungo ang donors sa mga regional offices o bangko para magpadala ng tulong.
Pinapayagan din ng Kaagapay Portal ang mga donor na direktang magbigay ng donasyon sa mga organisasyon at pundasyong rehistrado sa Kagawaran, pati na rin sa LGUs.
Makikita na rin aniya sa portal ang isang directory ng mga LGU na naapektuhan ng mga sakuna at maaaring nangangailangan ng karagdagang tulong.
Sa mga interesadong magdonate, maaaring magtungo sa kaagapay.dswd.gov.ph o sa official website ng DSWD, dswd.gov.ph. | ulat ni Merry Ann Bastasa