Tiniyak ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang sa mga tututukan na matulungan ng administrasyong Marcos ay ang mga undocumented OFW na apektado ng sakuna sa Myanmar.
Ito ay matapos ang magnitude 7.7 na lindol na kumitil ng maraming buhay at sumira ng mga ari-arian sa bansang Myanmar nitong Marso 28, 2025.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega, na umaasa ang ahensya na nananatiling buhay, ligtas at mahahanap pa ang mga nawawalang OFWs na karamihan ay nanirahan sa Mandalay, Myanmar na lubha namang napinsala ng naturang lindol.
Nilinaw naman ni Usec. De Vega, na kasama sa kanilang handang saklolohan ang undocumented OFWs kung saan ay kasalukuyan nang inaayos ng embahada ang paglipat ng mga apektadong Pinoy mula sa Mandalay patungo sa Yangon.
Samantala, kinumpirma naman ni Usec. De Vega ang impormasyon na mayroong humigit-kumulang 100 na mga Pinoy teacher ang nakatakdang ilikas patungong Yangon ngayong weekend, dahil sa pangamba nito sa structural integrity ng mga gusali doon.
Ngunit, nilinaw naman ng opisyal sa nasabing bilang, wala pa umanong nagpapahiwatig na gusto umuwi ng bansa at marami sa kanila ang umaasa na makakabalik pa sa trabaho
Nakahanda na rin umano ang tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang alalayan ang OFWs na mawawalan ng trabaho.
Payo naman ng DFA official sa mga pamilya na maging mahinahon, dahil nagpapatuloy aniya ang pag-asa at pagsisikap ng pamahalaan na mahanap sa mga ospital ang nawawalang Pinoy, tangan ang pag-asa na sila ay ligtas at nagpapagaling na sa mga pagamutan.
Hinikayat naman ng pamahalaan ang mga pamilya at OFWs na nangangailangan ng tulong na makipag-ugnayan at magpadala ng kanilang mensahe sa Overseas Filipino Help (official page) o kaya’y tumawag sa numero +95998521 0991. I ulat ni Rigie Malinao