Ngayong nakabalik na sa Pilipinas si VP Sara Duterte ay maiging simulan na rin niya ang paghahanda para sa napipintong Senate impeachment trial.
Ito ang inihayag ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega nang matanong sa isang pulong balitaan.
Aniya, magandang nakabalik na ng bansa ang bise matapos ang ilang linggong pananatili sa The Hague para buuin ang legal team ng ama na si dating Pang. Rodrigo Duterte na nakadetine sa International Criminal Court (ICC).
“Welcome back po to our VP…Siyempre maganda nakabalik siya kasi nga paghahandaan na itong [trial sa] mga susunod na buwan. In terms of ‘yung biyahe niya, personal trip naman kasi talaga ‘yun at naiintindihan po namin. So welcome back po, ma’am,” ani Ortega.
Hirit pa ng House leader na noon pa man na nagsasagawa pa lang ng pag-dinig ang House Blue Ribbon committee ay sinasabi ng kampo ng bise na sa impeachment na lang sila magpapaliwanag ukol sa kontrobersiya gaya ng maling paggamit ng confidential at intelligence fund ng Office of the Vice President at DepEd.
“Well, I guess she should be prepared. Kasi when we were doing the hearings, parang they were actually asserting na mag-impeachment na lang, ‘di ba. Para sa korte pagdebatehan, sa korte ilatag ‘yung mga ebidensya. So I think they should be,” saad niya.
Sa hiwalay naman na panayam kay House Prosecutor Lorenz Defensor, kaniyang binigyang diin na mahalagang humarap ang bise sa Senate impeachment court oras na magsimula ang paglilitis.
Diin niya, hindi lang ito para sa interes ng publiko ngunit para rin sa ikabubuti ng pangalawang pangulo.
“Malaking bagay ‘yun kung hindi ka magpapakita lalo na sa isang impeachment trial. Ibig sabihin may iniiwasan ka o may itinatago ka,” saad ni Defensor
Dagdag pa niya na hindi hindi habol ng impeachment trial na ito na makulong ang Vice President, kundi bigyan siya ng magandang pagkakataon na mapawalang-sala ang sarili niya.
“Kung maganda ang depensa niya at makumbinsi niya ang 24 nating senador na hindi siya nagkasala, this is the perfect opportunity for her to do so in front of live, in front of all the Filipinos,” dagdag ng House deputy majority leader. | ulat ni Kathleen Jean Forbes