Kinilala ng mga lider ng Kamara si Speaker Faustino “Bojie” Dy III dahil sa kanyang matatag na pamumuno na naging susi sa pagpapanatili ng momentum sa pagsusulong ng mga panukalang batas at pagpapalakas ng tiwala ng publiko sa institusyon.
Bago ang sine die adjournment ng First Regular Session ng 20th Congress, pinagtibay ng kapulungan ang House Resolution No. 1093 na nagbibigay-pugay kay Speaker Dy bilang pagkilala sa kanyang matatag, makabuluhan, at collaborative leadership sa Kamara.
Sa naturang resolusyon, binigyang-diin ng mga mambabatas ang mahalagang papel ni Speaker Dy sa pagpapanatili ng maayos na pamamalakad, pagkakaisa, at pagtutulungan sa loob ng kapulungan upang maisulong ang mga prayoridad na panukala ng Kongreso.
Nakasaad din sa resolusyon ang mga resulta ng mga survey na nagpapakita ng patuloy na mataas na antas ng tiwala, at kumpiyansa ng publiko sa Kamara sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Bukod sa pagpasa ng mahahalagang panukalang batas, kinilala rin ang Kamara sa pagtupad nito sa mga tungkuling itinakda ng Konstitusyon.
Kabilang dito ang pagsusulong ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, pagtataguyod ng mga reporma sa pamamahala gaya ng Anti-Political Dynasty Act, at ang aktibong pamumuno nito sa ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).
Pinuri rin ng House leaders si Speaker Dy sa kanyang malasakit sa kapakanan ng mga mambabatas, empleyado ng Kamara, mga kawani ng House Secretariat, at iba pang miyembro ng congressional staff. | ulat ni Melany Valdoz Reyes